Inihayag ng Malacañang na isa pang opisyal sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang sinibak sa puwesto, bunga ng maanomalya umanong land acquisition deal na pinasok ni dating OWWA administration Arnell Ignacio, na nauna nang inalis sa puwesto.

Sa press briefing nitong Miyerkoles, tinukoy ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na si dating OWWA deputy administrator Emma Sinclair, ang isa pang opisyal na sinibak sa naturang ahensiya.

Ayon kay Castro, sinibak si Sinclair sa puwesto dahil sa "loss of trust and confidence" kaugnay sa ginawang pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon.

''Maliban po diyan, mayroon pa pong isa na makakasama, ang deputy [administrator] na si Emma Sinclair, pareho po silang tinanggal. Hindi po sila pinag-resign,'' ani Castro.

Ayon kay Castro, dapat na magsilbi itong babala sa iba pang public servants na gampanan nang mabuti ang kanilang trabaho para hindi sila matanggal sa puwesto.

Sinisikap pang makuhanan ng panig si Sinclair kaugnay sa pahayag ni Castro. Samantala, nauna nang sinabi ni Ignacio na magsasalita na lang siya sa proper forum.

Una nang inihayag ni Secretary Hans Leo Cacdac, ng Department of Migrant Workers, na sinibak at hindi nagbitiw sa puwesto si Ignacio.

Aniya, wala pahintulot ng OWWA board ang pinasok na kasunduan ni Ignacio tungkol sa pagbili ng lupa na planong pagtayuan ng gusaling magiging halfway house o dormitory-type accommodation ng overseas Filipino workers na malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon kay Cacdac, hindi kailangan ang naturang proyekto. Hindi pa siya tiyak kung itutuloy ang naturang proyekto.

 Pumalit kay Ignacio bilang OWWA administrator si DMW undersecretary Patricia Yvonne "PJ" Caunan. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News