Mariing itinanggi ni dating Overseas Workers Welfare Association (OWWA) administrator Arnel Ignacio ang alegasyon na may anomalya sa P1.4 Billion land-deal sa ilalim ng kaniyang liderato.Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nagsalita sa unang pagkakataon si Ignacio sa pamamagitan ng press conference matapos siyang alisin sa naturang puwesto.Ayon kay Ignacio, dumaan sa tamang proseso ang pagbili sa lupa na tatayuan ng halfway house o pansamantalang tutuluyan ng mga overseas contract workers, at wala umano siyang kinita rito.“Ito po ay dinala namin sa board bilang report ng OWWA, at binusisi ng ilang technical working group na binuo din ng ating chairman Secretary Hans Cacdac na kaibigan ko… Walang nakitang iniliban na hakbang,” saad niya.“Lahat ng mga requirement sinunod at sinabing maayos ang aming pagkakasunod sa RA 10752… kaya ako gulat na gulat na tinawag itong anomalous deal,” dagdag pa niya.May sukat na 6,499-square meter plot ang naturang lupa na malapit sa Ninoy Aquino Terminal 1, na naunang sinabi ni Cacdac na hindi dumaan sa OWWA Board.“Napakabigat. Pagkatapos, napakaraming alegasyon sa akin. Saan nanggaling? Sa isang papel na walang nakapirma? Na andami daming sinabi na kinita ko? Pati nga yung numero, di na nga magkasundo kung magkano. Wala po akong kinita dito,” sabi ni Ignacio.Sabi pa ni Ignacio, ang Landbank ang nagsuri sa halaga ng lupa na binayaran ng OWWA.“As our government financial institution, it’s the LandBank who assessed the value, and it is exactly the amount that OWWA paid. At sana man lang, binigyan ako ng pagkakataong makausap. Nagulat na nga lang po ako na isang araw, pinatawag ako na ako ay papalitan… ‘Yun po ang nangyari dito, 'di ko po ito itinago. Ito pong ganitong kagandang transaksyon, bakit namin itatago ito?” patuloy niya.Bagaman hindi umano alam ni Ignacio kung ano ang sunod na mangyayari matapos siyang magsalita, umaasa siyang gagamitin ang OWWA ang biniling lupa para sa mga pinaglaanan na makinabang rito na mga OFW.Matapos alisin si Ignacio, ipinalit sa kaniyang puwesto si Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Patricia Yvonne Caunan. -- FRJ, GMA Integrated News