Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pilipino doon na manatili mula sa kanilang mga bahay bunsod ng sigalot ng naturang bansa at Iran.

Ayon sa embahada, naglabas ng abiso ang IDF Home Front Command na isinasailalim ang bansa sa Essential Activity status simula 3 a.m. ng June 13 hanggang 8 p.m. ng June 14.

Sa ilalim ng Essential Activity status, suspendido ang klase sa mga paaralan sa Israel, pati ang anomang pagtitipon. Suspendido rin ang trabaho maliban sa mga nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo.

“Mariing ipinapayo ng Embahada sa lahat ng Pilipino sa Israel na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at dapat maging handang pumasok sa shelter, safe room, o mamad sakaling magkaroon ng missile alert,” ayon sa embahada.

“Sundan ang mga IDF security guidelines, safety advisories ng Embahada, at balita mula sa mga mapagkakatiwalaang news outlets,” dagdag nito. 

Ayon sa embahada, maaaring makipag-ugnayan sa kanila ang mga Pinoy sa Israel sa emergency hotline: +972 54-4661188.

Nakataas sa Level 2 ang alerto sa Israel, kaya suspendido ang pagpapadala roon ng Filipino workers. 

“When you're in Israel, you know what you have to do to keep safe. I myself was posted there. So Iran ang issue ngayon,” ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes. 

Sinusubaybayan din umano ng DFA at Department of Migrant Workers ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Iran. 

Una rito, iniulat ng Reuters ang ginawang pag-atake ng Israel sa ilang pasilidad sa Iran. Inaasahan ng Israel na gaganti ang Iran, na nagsabing pagdedeklara ng digmaan ang ginawa ng Israel sa kanila.

Ayon sa Israel, ang pag-atake nila sa Iran ay pagdepensa sa kanilang bansa para pigilan ang Tehran sa paggawa ng nuclear weapon. -- FRJ, GMA Integrated News