Tiniyak ni Secretary Hans Leo Cacdac na nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mass evacuation ng overseas Filipinos mula sa Israel kung lumala pa ang labanan nito sa Iran.

Ginawa ni Cacdac ang pahayag nang dumalo siya sa Philippine Independence Day celebrations sa Dubai World Trade Center (DWTC) nitong Biyernes, na nilahukan ng mga Pinoy sa Dubai, United Arab Emirates. 

“Nakahanda tayo. Pero di pa isinasagawa at this stage. Hindi pa ito yung tamang panahon na… Dapat itong isa-ayos nang maige, lalo na sa gitna ng putukan o hidwaan. Kailangang tantiyahan nang maige yung ating pagpakakaroon ng repatriation. But definitely, we are ready,” sabi ni Cacdac sa GMA News Online.

Ayon kay Cacdac, maaaring alamin ng mga Pinoy sa Pilinas ang kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa Israel sa pamamagitan ng hotlines ng DMW.

“Ang mahalaga sa ngayon ay malaman ng mga kababayan natin na meron silang madudulugan,” sabi ng kalihim.

Sinabi rin ni Cacdac na nagtayo na sila ng help desk na may hotlines na naka-post online noong June 14, isang araw matapos magsagawa ng pag-atake ang Israel laban sa Iran.

“Nagpapa-alala tayo sa mga kababayan natin na yung Middle East help desk natin ay patuloy na tatanggap ng tawag…ang ating 1348 hotline ay puwedeng dulugan ng anuman tulong, yung mga kamag-anak sa Pilipinas na nais malaman ang status o katayuan ng kanilang mahal sa buhay ay puwedeng dumulog sa ating hotline,” paliwanag ng kalihim.

Ayon kay Cacdac, tinatayang aabot sa 30,000 Pinoy ang nasa Israel, habang nasa 30 naman ang Pinoy sa Iran na karamihan ay nakapag-asawa ng Iranian.

Matapos ang pag-atake ng Israel, nangako ang Iran na gaganti matapos na ituring nilang deklarasyon ng giyera ang ginawang pambobomba sa kanila ng kalabang bansa.

Sa isang ulat, inihayag ng Philippine Embassy sa Tel Aviv, na nasa apat na Pinoy ang kabilang sa mga nasugatan sa ginawang pambobomba ng Iran bilang ganti nila sa ginawang pag-atake sa kanila ng Israel.—  mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News