Humihingi ng tulong sa publiko ang Toronto Police Service para mahanap ang isang Pinay na sangkot umano sa multiple counts ng immigration-related fraud.
Kinilala ang suspek na si Maria Corpuz, 43-anyos, na may kinakaharap na mga kasong kriminal, kabilang ang tatlong bilang ng panloloko na may halagang kulang sa $5,000, tatlong bilang ng maling pagpapakilala para makapanloko, at dalawang bilang ng paggamit ng pekeng dokumento.
Ayon sa pahayag ng Toronto Police, nag-alok umano si Corpuz ng mga serbisyo sa imigrasyon sa ilang indibidwal mula Mayo 2023 hanggang Mayo 2025. Nag-operate umano ang Pinay sa paligid ng Yonge Street at Eglinton Avenue, na isang mataong commercial district sa midtown Toronto.
Inihayag ng mga imbestigador na ipinakilala umano ni Corpuz ang sarili sa mga biktima na makakatulong siya sa pagproseso ng aplikasyon para sa Canadian citizenship at work permit.
Nagbayad ang mga biktima ng libu-libong dolyar sa paniniwalang legal at lehitimo ang tulong na iniaalok. Bilang kapalit, nakatanggap sila ng mga dokumento na mukhang galing sa pamahalaan ng Canada pero peke pala.
Nadiskubre ng mga biktima kalaunan na hindi awtorisado o lehitimo ang mga serbisyong ibinigay ng suspek. Nang beripikahin, lumabas na peke ang mga dokumento na ibinigay sa kanila.
Naniniwala ang Toronto Police na maaaring may iba pang mga biktima na hindi pa lumalantad, at hinihikayat nila ang sinumang may parehong karanasan laban kay Corpuz na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Kasabay ng panawagan ng awtoridad sa publiko na tulungan siyang mahanap ang suspek, umapela rin ang mga pulis kay Corpuz na sumuko.
Kung mayroong impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Corpuz, maaaring makipag-ugnayan sa Toronto Police sa 416-808-3100 o magbigay ng anonymous tip sa Crime Stoppers sa 416-222-TIPS (8477). — Mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News

