Matitikman na ang isang menu na gawa ng chef na hindi tao, kundi artificial intelligence o AI, na tampok sa isang magbubukas na restaurant sa Dubai.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing tutulong si Chef “Aiman” o “AI plus man,” sa mga chef sa restaurant para makuha ang tamang timpla at sukat ng mga sangkap upang mas maging masarap ang pagkain.
Kapag hindi pumasa sa mga human chef ang recipe ni Aiman, puwede namang i-adjust ang kaniyang timpla. Ayon sa developer ni Aiman, katuwang lamang ang AI chef at hindi papalit sa mga taong nagluluto.
May kakayahan din si Chef Aiman na lumikha ng recipe na gawa sa mga tira-tirang karne na kadalasan ay itinatapon na lamang.
Magbubukas na ang naturang restaurant sa Setyembre.
Sa isa pang restaurant sa Dubai, matitikman na ang AI Lamb Chop recipe ni Chef Aiman.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
