Animnapu't walong (68) Pilipino sa kabuuan na nabilanggo sa United Arab Emirates dahil sa iba't ibang mga paglabag ang binigyan ng pardon o pinatawad ng gobyerno ng naturang bansa noong nakaraang buwan, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Martes.

Sa isang pahayag, itinuring ng DFA ang desisyon ng UAE bilang isang "generous and benevolent gesture" matapos nitong bigyan ng clemency ang mga Pilipino sa Eid al-adha festival noong nakaraang buwan.

"(It) is a testament to the robust bilateral relations between the Philippines and the UAE and a lasting gift to the families of the pardoned Filipinos," sabi ng DFA.

Sa kaniyang State of the Nation Address (SONA 2025) nitong Lunes, nagpahayag ng kaniyang pasasalamat si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos sa UAE at iba pang bansa sa Middle East, gaya ng Oman, Qatar, Bahrain at Kuwait, sa pagbibigay ng pardon sa mga Pilipinong nakakulong sa kani-kanilang mga bansa.

"For their crucial and most beneficent sovereign interventions, I personally convey the entire nation’s sincerest gratitude to the Sultanate of Oman, the United Arab Emirates, the State of Qatar, the Kingdom of Bahrain, the State of Kuwait, and to all the leaders of various countries that have granted clemency and have shown kindness to our beleaguered compatriots. Maraming, maraming salamat po. Thank you very, very much," anang Pangulo.

Ang Pilipinas ay isa sa mga nangunguna sa mundo na nagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, at mahigit sa 10 milyong skilled at unskilled na manggagawa ang namamalagi abroad.— mula sa ulat nina Michaela Del Callar/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News