Lima ang nasawi, kabilang ang isang pulis, nang mamamaril ang isang lalaki na armado ng assault-style rifle sa loob ng isang skyscraper sa Manhattan, New York. Sa Reno, Nevada, tatlo naman ang nasawi sa labas ng isang casino resort.

Sa ulat ng Reuters, sinabing 36-anyos ang nasawing pulis na si Didarul Islam, na mahigit tatlong taon na sa serbisyo sa New York Police Department, at tinawag ni Mayor Eric Adams na "true blue" hero.

Ayon sa awtoridad, dalawang lalaki at isang babae ang nasawi pang mga biktima.

Sinabi pa ni Adams na isang lalaki rin ang sugatan at kritikal ang kalagayan sa ospital.

Kinilala ni NY Police Commissioner Jessica Tisch ang gunman na si Shane Tamura, 27-anyos, residente sa Las Vegas, at may history umano ng mental illness, na ilang araw pa lang nang magtungo sa New York.

Wala pang malinaw na motibo na nakikita ang mga awtoridad sa nangyaring krimen, at pinaniniwalaan na mag-isa lang ito sa kaniyang ginawa.

"Pure evil came to the heart of our city and struck innocent people and one of our police officers who were protecting those people," ayon kay Patrick Hendry, presidente ng Police Benevolent Association sa press conference.

Sinabi ni Tisch, na nagsimula ang pamamaril ng suspek sa lobby ng gusali sa Park Avenue sa Midtown Manhattan habang pauwi na ang mga tao. Nasundan ito ng pag-akyat ng suspek sa ika-33 palapag na kinaroroonan ng opisina ng isang management company.

Nagtapos ang karahasan sa pamamagitan ng pagbaril ng suspek sa kaniyang sarili sa dibdib.

Ayon pa sa mga opisyal, walang matinding criminal record ang salarin base sa paunang imbestigasyon nang alamin ang kaniyang background. 

Sa Reno, Nevada naman, isang lalaki na armado ng pistola ang namaril sa labas ng isang resort-casino noong July 28, na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng dalawang iba pa.

Sugatan din ang suspek na naaresto ng mga awtoridad.

Nagsimula umano ang pamamaril ng salarin sa valet station sa parking lot, ayon sa pulisya.

“At this time we have no reason to believe there is a connection between any of the victims and the suspect, and we have no known motive by the suspect,” ayon kay Chris Crawforth, chief of police ng bayan ng Sparks, na katulang ng Reno Police Department sa imbestigasyon.

Sinabi ni Crawforth, na nakita ang salarin na naglalakad at basta na lang bumunot ng baril at pinagbabaril ang isang gupo ng mga tao sa parking lot.

Naunang nakaengkuwentro ng suspek ang mga armadong security guard ng casino. Hanggang sa dumating na mga awtoridad at nabaril ang suspek at naaresto.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente tungkol sa motibo at pagkakakilanlan ng suspek.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News