Mula sa dating 116 na convicted overseas Filipino workers (OFWs) na nasa death row sa ibang bansa, bumaba na ito sa 25, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Inihayag ito ng DMW sa pagdinig ng Senate finance committee nang talakayin ang panukalang pondo ng kagawaran para sa 2026.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na nabawasan ang mga OFW sa death row matapos magpatupad ng bagong patakaran ang Malaysia.

"Naging flexible sila in terms of commuting the sentences of our death row cases, at nag-apply po ang ating embahada doon. So, it used to be in the neighborhood of 50 to 60, but now we're down to 25," ani Cacdac.

Idinagdag ng kalihim na nakikipagtulungan ang DMW sa Department of Foreign Affairs at Office of the President para hindi matuloy ang pagpapatupad ng sentensiyang kamatayan sa OFW. Kasama rin sa kanilang hakbang na humiling na maibaba ang parusa o mapawang-sala ang mga OFW.

Nais ni Senador Win Gatchalian na dagdagan ng DMW ang kanilang puwersa ng abogado na ngayon ay mayroon umanong 23 legal retainers at 10 in-house lawyers, para sa halos tatlong milyong OFWs.

Ayon naman kay Cacdac, may kinukuha silang serbisyo ng law firms, na nagtatalaga ng tatlo o apat na abogado sa bawat kaso ng OFW.

Sa pahayag, sinabi ng DMW na bukod sa legal aid, nagbibigay din sila ng psychological, moral, at financial assistance sa mga pamilya ng apektadong OFWs. Pero pinapalakas din nila ang kanilang pre-departure orientation at legal literacy programs para makaiwas sa problema ang mga OFW kapag nasa ibang bansa.

"Every OFW is a part of our global Filipino family. We will continue to stand by them, fight for their rights, and seek justice and compassion wherever possible," saad ni Cacdac.

Noong November 2024, nasa 44 o higit pa ang OFW na nasa death row nang talakayin din sa Senate plenary ang panukalang budget ng DMW para sa 2025.

Sa naturang bilang, 41 ang nasa Malaysia, dalawa sa Brunei, at isa sa Saudi Arabia. — mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News