Hindi napigilan ng isang overseas Filipino worker (OFW) na maging emosyonal nang magpaalam na sa kaniyang mga amo at mga anak nito. Mula sa Singapore, hindi na kasi siya sasama sa pamilya na lilipat sa Dubai dahil nais na niyang alagaan ang kaniyang ina na nasa Pilipinas.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang madamdaming pagpapaalam ni Neo Policarpio Galang, sa dalawa niyang alaga na mga anak ng kaniyang mag-asawang amo.
“Andito lang si Auntie, laging nagmamahal sa inyo. Mahal na mahal ko kayo parati. Habambuhay ko kayong mamahalin,” mensahe ni Neo kina James at Lexi, na inalagaan sa loob ng anim na taon mula noong mga sanggol pa lang ang mga ito.
Unang napasok si Neo, o “Auntie Nolyn”, sa pamilya Luckett noong 2019 habang nakatira pa sila sa Hong Kong, at dalawang buwang gulang pa lang noon ang alaga niyang si James.
Pagkalipas ng dalawang taon, isinilang naman ang isa pa niyang alaga na si Lexi.
Nang lumipat ang pamilya sa Singapore, isinama pa rin nila si Neo, tanda ng tiwala sa kaniya ng mga amo.
“Napakagaan po ng pakiramdam na magtrabaho kasi alam mo po na mahal ka ng mga amo mo, may tiwala sa’yo,” saad ni Neo.
Nang magkaroon ng endometrial cancer si Neo noong nakaraang taon, hindi siya pinabayaan ng kaniyang mga amo. Ipinagamot siya at inalagaan hanggang sa kaniyang paggaling.
“Wala po talaga akong masabi. Para po sa akin, sila na po ‘yung pinaka-the best,” ani Neo.
Nalampasan man ang laban niya sa cancer, dumating naman ang matinding dagok sa kaniyang buhay nang pumanaw ang kaniyang ama sa Pilipinas, at wala siya sa piling nito.
Dito na naisip ni Neo na kailangan na niyang manatili sa Pilipinas para maalagaan at makasama na niya ang kaniyang ina.
Kaya nang kailanganin na lumipat sa Dubai ang pamilya Luckett, nagpaalam siya na hindi na siya makakasama. Pinayuhan din siya ng duktor na magpahinga na rin muna dahil nagpapagaling pa siya sa kaniyang sakit na cancer.
Ngunit hindi naging madali ang desisyon para kay Neo dahil masakit para sa kaniya na malayo sa dalawa niyang alaga na sina James at Lexi.
“I only want you. But I cannot come to Dubai. Be a good girl in Dubai. Okay? It’s okay, Auntie loves you,” bilin niya kay Lexi.
Mangungulila raw si Neo sa pagiging malambing ng dalawang bata na hinahalikan siya tuwing umaga para siya batiin.
“‘Yung iniyakan ko po talaga, ‘yung paggising ko sa umaga, hindi ko na makikita ‘yung mga bata,” pahayag niya. “Kasi ang gising ko po doon, 6:45 ng umaga kasi ang pasok po nila, 7:20. Ang ganda po ng pagkatok nila. ‘Hi, Auntie! Are you awake? Good morning! I want to kiss you, I want to hug you.’”
Bago sila naghiwalay, pinabaunan ni James si Neo ng dalawang laruang bisikleta na ibinilin sa kaniya na ingatan dahil hahanapin daw niya ito kapag nagpunta siya sa Pilipinas.
“Sabi niya, Auntie, ‘pag ma-relocate na kami sa Dubai, ingatan mo po ‘yan. Huwag na huwag mong sisirain," kuwento ni Neo. “‘Pag pumunta ako ng Pilipinas, hahanapin ko ‘yan sa’yo. ‘Yung akin ‘yung black, sa’yo ‘yung green. Tapos sasakay tayo pareho.’”
Ang ama ng mga bata, binigyan siya ng uniform ng dalawang anak na ibinilin sa kaniya na huwag lalabhan para maamoy niya ang mga alaga.
“Sabi ni Sir, habambuhay, everyday ipapaalala ka namin sa mga bata. Everyday, sasabihin namin na may isang Auntie na nag-alaga sa inyong dalawa," sabi ni Neo.
Sa ngayon, tanging sa video call muna nakikita ni Neo sina James at Lexi. Patuloy pa rin ang pagsuporta sa kaniya ng pamilya Lucketts.
“Kung may time na magkikita tayo, iyon na yung pinakamasayang araw sa buhay ko. Mahal na mahal ko kayong dalawa,” mensahe ni Neo kina James at Lexi. – FRJ GMA Integrated News
