Ikokonsidera ng Amerika ang obesity o sobrang taba, at pagkakaroon ng "special needs" para hindi bigyan ng immigrant visa ang aplikante. Nakasaad ito sa pinakabagong hakbang ni Pangulong Donald Trump para tanggihan ang mga dayuhan na nais pumupunta o manirahan sa kanilang bansa.
Sa isang cable na ipinadala ngayong buwan, hiniling ni Secretary of State Marco Rubio sa mga embahada ng US, na isama sa kanilang pagsusuri ang kondisyon ng kalusugan tulad ng obesity kapag nagbigay ng pangmatagalang visa. Idinahilan na, "it can require expensive, long-term care" ang pagiging obese.
Iniutos din nito sa mga embahada na suriin kung mayroong dependents ang aplikante na may disabilities, chronic medical conditions, o iba pang special needs na nangangailangan ng pag-aalaga, na maaaring maging dahilan para hindi na makatrabaho ang visa applicant.
Unang iniulat ng KFF Health News ang memo. Kinumpirma ang nilalaman nito sa AFP ng isang taong nakakita nito.
Isa ang Amerika sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng obesity sa mundo, na inuugnay sa diet at kakulangan sa ehersisyo.
Nasa 40 porsyento ng populasyon ng US ang obese, na mas mataas ang average sa mga estadong bumoto kay Trump.
Ang naturang bagong patakaran ay para sa mga taong nais manirahan sa Amerika, at hindi sa mga dayuhang bumibisita para sa madaliang biyahe.
Matagal nang sinusuri ng Amerika kung magiging “public charge” — o aasa sa pondo ng gobyerno — ang isang tao bago payagang pumasok sa kanilang bansa. Kabilang dito ang mga asawa ng kanilang kababayan na mula sa ibang bansa na nais dalhin sa Amerika.
Isa sa mga pangunahing ipinangako ni Trump noon sa kampanya ang crackdown sa mga dayuhan na walang kaukulang dokumento na nasa kanilang bansa.
"It's no secret the Trump administration is putting the interests of the American people first," ayon kay State Department spokesman Tommy Pigott. "This includes enforcing policies that ensure our immigration system is not a burden on the American taxpayer."— mula sa ulat ng Agence France Presse/FRJ GMA Integrated News
