Iuuwi ng pamahalaan ng Pilipinas ang isang 37-anyos na Filipina OFW sa Dubai na na-diagnose na may stage 4 cervical cancer. Ito ay matapos na tumanggi umano ang mga ospital doon na tanggapin siya dahil sa kawalan ng medical insurance coverage, ayon sa isang Pinoy official.
Sinabi ni Labor Attaché John Rio Bautista sa GMA News Online na nagsasagawa na ng mga paghahanda para sa pag-uwi ni Grace Agudo Garciano, isang domestic helper na humingi ng tulong dahil hindi na niya kayang ipagpatuloy ang kaniyang pagpapa-ospital bilang charity patient.
"Target date ng repatriation ay January 7. Sagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang plane ticket," ayon kay Bautista.
"Mas mabuti na 'yun. Kung may sakit, mahal sigurado ang insurance. Pre-existing pa lang mataas na, ganito pang may sakit na?," dagdag niya.
Masaya naman si Garciano na makakauwi na siya at maipagpatuloy ang kaniyang pagpapagamot sa Pilipinas.
Lumala umano ang kaniyang sakit matapos na mabigo ang kaniyang amo na ikuha siya ng insurance na makatutulong sana sa kaniyang pagpapagamot.
Ayon kay Bautista, maraming hinahawakang kaso ng kanser ang Migrant Workers Office (MWO) ng Department of Migrant Workers (DMW), at nakikipag-ugnayan na rin sila sa isang civic group ukol dito.
"Maraming ganyan talaga. Iba't ibang profile. Mayroong OWWA-registered, mayroong hindi. Mayroong nawalan ng trabaho, at meron naman relative lang ng OFW. 'Yung covered ng OWWA, hinihiwalay namin; 'yung hindi, hinihingian naming ng profile at sinusubukan naming (matulungan)," saad niya.
Ayon sa labor attache, saklaw ng OWWA si Garciano.
Na-diagnose si Garciano na may cancer noong Mayo ng nakaraang taon. Mula noon, pabalik-balik na siya sa ospital. Muli siyang na-admit noong huling bahagi ng Nobyembre ngunit pinalabas ilang araw bago ang bisperas ng Bagong Taon dahil naubos na ang pondo ng charity program na tumutustos sa kaniyang gamutan.
"Dito walang chance na magamot ako. Sabi ng doctor walang available na charity para sa akin. So, ang option ng doctor ay umuwi ako as long as kaya ko pa. Sana matulungan niyo ako na makauwi," saad ni Garciano sa isang video message nang manawagan siya ng tulong.
"Malaking bagay sa akin na makauwi ako sa pamilya ko kasi abandoned ako ng amo ko noong August. Wala akong trabaho. Wala lahat," dagdag niya.
"Walang plano 'yung amo ko na makipag-negotiate kung ano ang gusto niya. Kung ipapagamot ba ako o ano, kasi wala akong insurance. 'Di niya ako kinuha ng insurance," sabi pa ni Garciano.
Sa batas ng UAE, dapat mayroong medical health insurance ang mga kawani o empleyado.
"August, nagreklamo ako sa Dubai Labor, may case kami ngayon," dagdag ni Garciano.
Matapos siyang ma-discharge sa ospital, nananatili si Garciano sa Satwa (isang komunidad ng mga manggagawang Pilipino) at nakikitira sa shared bed space kasama ang kaniyang partner na si Ariel Oraza, isang empleyado sa supermarket.
"Nahihirapan siyang mahiga kasi may dalawang tubes siya sa likod," ani Oraza.
"Maalagaan ba siya ng partner niya? Siyempre, nagtatrabaho 'yun," sabi ni Bautista.
Dumating sina Garciano at Oraza sa Dubai apat na taon na ang nakararaan. Mula sa Davao del Sur si Garciano, habang taga-Pangasinan naman si Oraza.
Single mother
Isang single mother si Garciano na may dalawang anak—isang 18-anyos na dalaga na first year college at isang 17-anyos na binatilyo na nasa Grade 12.
Bagaman hiwalay sa asawa, sinabi ni Garciano na maayos ang ugnayan niya sa lalaki “para sa mga bata."
Pero labis umano silang naapektuhan sa kaniyang sitwasyon ngayon.
"Nag-iyakan po sila. Hindi po nila inaasahan na mangyayari sa akin ito. Sobrang laking damage din sa akin lalo na emotionally, siyempre papano na pamilya ko," saad niya.
Kapag nakauwi na sa bansa, sinabi ni Garciano na hihingi siya ng tulong sa gobyerno.
Sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan kay Garciano sa +971 58 628 2994, o kay Oraza sa +971 55 218 5423.
— Jojo Dass/FRJ GMA Integrated News

