Bumuhos ang emosyon sa isang kasalan habang naglalakad ang groom patungo sa altar. Ang kaniya kasing mga magulang na overseas Filipino workers na mula sa Canada na madalas wala sa mga mahahalaga niyang okasyon, nakasama niya sa panibagong yugto ng kaniyang buhay.
Sa video na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, makikita si Mark Costelo na naglalakad papunta sa altar ng simbahan sa kaniyang kasal. Pero mababakas ang lungkot sa kaniyang mukha dahil hindi niya kasama ang kaniyang mga magulang na nasa Canada.
Ayon sa kaniyang mga magulang na sina Ferdimark at Erryl, hiniling ni Mark noong pinaplano pa lang ang kasal nito na sana ay makauwi sila. Gayunman, batid daw nila na mahirap itong gawin dahil sa kalilipat pa lang nila sa Canada at bago pa lang sila sa kanilang trabaho.
Kuwento ni Erryl, isa’t kalahating taon gulang pa lang si Mark noon nang iwan nila ang anak sa kaniyang lola dahil nagtrabaho na silang mag-asawa sa ibang bansa.
Ayon kay Ferdimark, pinili nilang mag-asawa na magtrabaho sa ibang bansa para hindi maranasan ng kanilang mga anak ang naranasan nila noon na walang-wala sa buhay.
“Akala niya lang ok lahat sa amin pero dala-dala ko pa rin ‘yun na alam mo ‘yung iniiwan ko siya lagi. And then there was a time when he was sick, I think he was five years old, or the last time that I had my vacation when I was working in Saudi Arabia, he told me, “mommy, please huwag ka nang umalis,” pagbahagi ni Erryl.
“Sabi ko sorry I can’t. I can’t buy you toys, I can’t give you like this. And then you know what he told me, “Ok lang mommy kahit walang toys. Ok lang kahit walang pambili pero dito ka sa tabi ko,’” dagdag pa niya.
Aminado si Ferdimark na hindi nila napuntahan ang halos lahat ng mahahalagang okasyon sa buhay ni Mark gaya ng graduation.
Kaya ganun na lang ang kanilang lungkot nang mapagtanto nila na hindi rin sila makakapunta sa kasal ni Mark dahil kakalipat lang nila sa Canada at kasisimula pa lang nila sa kanilang trabaho.
Subalit ginawa ng mag-asawa ang lahat ng paraan para makauwi upang makadalo sa kasal ng anak. At habang naglalakad nga si Mark papunta sa altar, natupad ang kaniyang hiling na makasama ang kaniyang mga magulang.
“After the ceremony, actually nagkaroon ng dance with the groom ayun umiiyak pa rin siya habang nagsasayaw kami,” ani Erryl. “I can feel his emotions na para siyang baby na longing for his mom.”
Umaasa sina Ferdimark at Erryl na ang kasal ni Mark ang simula nang mas mahigpit na bonding ng pamilya, at makabawi sa nawalang mga panahon para sa kanilang tatlong anak. Lalo pa ngayong magkakaapo na rin sila. – FRJ GMA Integrated News
