Isang Pinay nurse ang nasawi, habang malubhang nasugatan ang dalawa niyang kasama matapos silang ma-hit-and-run ng isang sasakyan sa Tabuk City, Saudi Arabia.
Sa Facebook post, inihayag ng Migrant Workers’ Office sa Jeddah, na pawang Pilipinong nurse ang mga biktima. Galing sila sa Tabuk Park Mall at pauwi na nang mangyari ang insidente dakong 1 a.m., nitong Lunes.
Tumatawid umano ang mga biktima sa Muruj Al Amir District na nasa harapan ng mall nang mahagip sila ng sasakyan na mabilis ang takbo.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isa sa kanila.
Ililipat naman sa isang pagamutan sa Riyadh ang isa para operahan.
Naipaalam na umano sa pamilya ng mga biktima ang nangyari.
“Nakatutok po ang MWO at OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) sa kaso at mag-a-assist sa ikalulutas nito para mabigyan ng hustisya ang ating mga kababayan,” saad nito sa pahayag.
Sa panayam ng GMA News Online, nananawagan ng hustisya ang pamilya ng nasawing nurse. Nais din nilang maiuwi na kaagad sa bansa ang kaniyang mga labi.
Nakikipag-ugnayan umano sila sa pamahalaan para sa pagproseso ng mga labi ng kanilang kaanak.
“Yung pinakamabilis na ipauwi nila, 'yung record nila na pinakamabilis is 2 to 3 weeks… Kami siyempre, masama na 'yung nangyari, 'yung lagay, medyo nadedelay pa 'yung burden sa 'min ngayon,” ayon sa bayaw ng biktima.
Idinagdag niya na bukod sa repatriation ng mga labi, mayroon ding usapin sa OWWA membership ng biktima na napaso na noong September 2025.
“Almost 10 years [ng benefits] kung wala, makukuha lang daw niya 'yung burial [assistance], which is P20,000 at 'yung tulong na daw ng pagtransport,” dagdag niya.
Nakikipag-ugnayan umano sila sa OWWA para sa posibilidad na ma- reactive ang membership ng nasawing nurse.
Sa kabila nito, nilinaw niya na tinutulungan sila ng mga kaukulang ahensiya, kabilang ang OWWA.
Ikinukonsidera umano ng pamilya na kasuhan ang suspek na 34-anyos na lokal sa KSA.
“Sobrang tragic talaga po 'yung pangyayari na hindi natin inaasahan na doon. Gustong-gusto [ng asawa ko] na pumunta sana, kaya lang hindi pa clear kung ma-isponsoran siya ng visa ng employer ni [victim],” saad niya.
“Ang plano po namin is continue coordination, tapos kung sino [sana] ang puwedeng makapag-lend sana ng help pa sa amin para mas mapabilis kasi 'yung situation… Mas masakit kung mas matagal siya makauwi. 'Yung main goal talaga po namin ay maiuwi na, at kahit paano mabigyan ng justice 'yung nangyari sa kapatid namin,” dagdag ng bayaw ng biktima. — Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News

