Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang dayuhang nagsasagawa ng umano ng hair transplant procedure sa Makati City kahit walang lisensiya at permit to operate. Ang singil sa mga pasyente, aabot ng hanggang P220,000.

Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing katatapos lang ng mga dayuhan na magsagawa ng surgical procedure sa isang pasyente nang pumasok ang mga tauhan ng NBI sa klinika at isinagawa ang pag-aresto.

“Delikado ito kasi merong safety issues. Baka magkaroon ng infection. Di dapat nila ito ginawa na walang katumbas na permit na mag-operate dito sa atin,” ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Anim na Turkish national at isang Pinay receptionist ang nadakip.

Nagpapanggap din umanong duktor ang mga nagsasagawa ng hair transplant procedure.

Nakita rin sa klinika ang mga gamot at anesthesia na ginagamit umano sa transplant na tumatagal ang proseso ng hanggang limang oras.

Nagkakahalaga naman ng hanggang P220,000 ang bayad ng pasyente.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga dayuhan.

“Mag-ingat tayo, alamin nang maigi yung ating kausap, kung sila ba ay awtorisado para gumawa ng mga procedures na ganito,” payo ni Matibag. — FRJ GMA Integrated News