Nahuli sa Pandi, Bulacan ang isang 45-anyos na lalaking wanted sa kasong frustrated murder sa Navotas, makaraan ang 16 taon na pagtatago.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa video ng Navotas Police ang pagsisilbi ng operatiba ng Navotas City Police Station ng arrest warrant sa lalaking wanted.
Ayon sa pulisya, nagpalipat-lipat pa umano ng lugar ang lalaki.
“Ang trabaho niya ngayon doon, bago namin makuha, isa siya sa construction [workers]. So, ang uwi niya rito, mostly every week. Kaya lang, nu’ng tsinek namin noong una noong nakaraang buwan, matagal, two weeks, minsan isang buwan bago umuwi,” sabi ni Police Colonel Renante Pinuela, hepe ng Navotas Police.
Lumabas sa imbestigasyon na Pebrero 2010 nang maganap ang krimen sa isang KTV bar sa Navotas, kung saan humantong sa pamamaril ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo ng mga lalaki.
Sugatan ang lalaking biktima.
“Parang nagkaroon ng, nagkakursonadahan. Ngayon nagpang-abot doon sa loob ng bar. So, nagkaroon ng suntukan pero na-pacify naman sa loob. ‘Yung mga suspect natin, lumabas. So, naiwan 'yung mga itong grupo ng victim natin. ‘Yun pala is, paglabas ng ating victim, inabangan sila. Kaya paglabas, binaril itong ating biktima, tinamaan. Dito sa may cheek lumabas,” sabi ni Pinuela.
Depensa ng akusado, wala siyang kinalaman sa krimen, kundi nagtatrabaho lamang noon bilang pedicab driver.
“‘Yung sakay ko lang ‘yung pasaherong bumaril. Pasahero ko lang po ‘yun sir, pero kilala ko ‘yun. Nababa ko po sa KTV bar. Kasi walang barya siya para sa akin. Pinabili niya ako ng sigarilyo sa labas. Pagpasok ko ng loob, may gulo na roon. Hindi ko na alam kung anong nangyari," sabi ng akusado.
Nakapag-return of warrant na ang mga awtoridad at hinihintay na lang ang commitment order galing sa korte.
Patuloy na tinutugis ang isa pang akusado sa krimen. —Jamil Santos/KG GMA Integrated News
