Kabilang sa mga mag-aaral na magtatapos ngayong Marso ang isang 77-anyos na lolo sa Solana, Cagayan. Ang dedikasyon niya sa pag-aaral, inspirasyon hindi lang para sa mga kapuwa niya estudyante, kung hindi maging sa mga guro sa paaralan na kaniyang pinapasukan, at pati na sa mga netizen.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing magtatapos si Lolo Mario Resurrection ng Agri-Fishery Arts sa ilalim ng Technical Vocational Livelihood Track sa Sampaguita National High School.
Bukod sa pagbibigay niya ng inspirasyon sa mga kapuwa estudyante, humanga rin sa kaniya ang mga guro sa kanilang paaralan.
Ayon sa YouScooper na si James, isang practice teacher, nakikita niyang laging nasa library si Lolo Mario, at nag-aaral.
"He is not my student, but we interns would often talk to him because he was usually in the library where our room was located, and he would sometimes ask us questions,” ani James.
“I noticed him quite often, and I took a video of him last year because it was my first time seeing a student as old as him in person. I felt that his story was worth sharing online," dagdag niya sa pag-post sa online ng kuwento ni Lolo Mario.
Hangad daw ni Lolo Mario na makapagtapos ng pag-aaral dahil nais niyang maging degree holder bilang agriculture engineer.
Naniniwala si Lolo Mario na mahalagang bahagi ng bansa ang agrikultura, at naniniwala siyang makatutulong ito sa kanilang pamumuhay.
Si Lolo Mario ay isang patunay na walang pinipiling edad at estado sa buhay ang edukasyon at pag-abot ng pangarap. – FRJ GMA Integrated News
