Mahigit 100 katao ang dinakip, kabilang ang mga operator, teller at mga tumataya sa isinagawang raid sa isang online sabong sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadatnan din ng mga awtoridad sa mismong arena ang mga panabong na manok, pati na rin ang mga computer na ginagamit sa online operations.

Walang naipresentang dokumento sa pulisya ang mga operator. Hindi nabigyan ng pagkataon ang media na makausap ang mga inaresto.


Sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group na mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa anti-gambling law at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Magmula pa noong 2022, ipinagbabawal na ang pag-operate ng online sabong sa bansa. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News