Maagang natapos ang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala sa 2026 French Open matapos siyang talunin ng mas batang si Iva Jovic, 6-4, 6-2, sa unang round ng kanilang laban ngayong Martes.
Mabilis na nakalamang si Jovic ng 5-1 sa unang set bago nakabawi si Eala sa pamamagitan ng panalo sa tatlong sunod na laro upang mabawasan ang agwat. Gayunpaman, nabawi ni Jovic ang momentum at tinapos ang set.
Sa ikalawang set, nakuha ni Eala ang unang laro bago nanalo si Jovic sa sumunod na dalawa. Nakabawi pa si Eala ng isa pang laro, ngunit tuluyang humiwalay si Jovic matapos manalo sa susunod na apat na laro.
Kasalukuyang world no. 17 ang mas batang si Jovic na edad 18, habang world no. 37 si Eala na katatapos lang ipagdiwang ang ika-21 kaarawan.
Sa kabila ng kaniyang pagkakatanggal sa singles, sasabak pa rin si Eala sa doubles tournament kasama si Victoria Mboko sa clay-court Grand Slam. – FRJ GMA News

