Sa sesyon ng Senado nitong Lunes, nabanggit ang pangalan ni Inday Badiday nang tutulan ni Senador Juan Miguel Zubiri ang video na ipinakita ni Senadora Imee Marcos na nagsasaad na itinutulak umano ng kasalukuyang administrasyon ang Charter change.

Kalaunan, humingi ng paumanhin si Zubiri sa pamilya ng yumaong entertainment journalist at sinabing “slip of the tongue in the middle of a heated debate.” ang pagbanggit niya ng pangalan ni Inday Badiday.

Dahil sa mga pangyayari sa Senado noong Lunes, mabilis na naging usap-usapan si Inday Badiday at naging trending keyword sa social media.

Sa mga hindi pamilyar tungkol kay Inday Badiday, narito ang ilang kaalaman tungkol sa namayapang veteran showbiz journalist.

Sino siya?

Ipinanganak si Inday Badiday bilang si Lourdes Jimenez Carvajal noong Agosto 6, 1944. Ayon sa Esquire Philippines, dating Ambassador to Korea ang kaniyang ama na si Narciso Jimenez at ang kaniyang ina naman ay si Maria Clara Vega.

Isa siya sa siyam na magkakapatid, kabilang si Letty Jimenez-Magsanoc na naging editor-in-chief ng Philippine Daily Inquirer.

Ayon sa GMA Network, ang pangalang “Inday Badiday” ay ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina.

Ang “Inday” ay nangangahulugang “girly,” habang ang “Badiday” ay tumutukoy sa pagiging flamboyant na patungkol sa "nature of the gossip industry. Ginamit niya ang pangalang ito upang mailayo umano ng kaniyang pamilya ang posibleng kahihiyan na maiugnay sa showbiz at mga pelikulang Tagalog, ayon sa Esquire na sumipi sa isang university paper.

Entertainment journalist

Bago naging tanyag na television host si Inday Badiday, naging bahagi muna siya ng radyo at nagsulat para sa mga magasin.

Kalaunan ay pumasok siya sa telebisyon kung saan niya natagpuan ang kanyang niche. Ang “Nothing But the Truth” ay naging “See True,” na tumagal ng dalawang taon noong dekada ’80 ngunit kinikilala bilang isa sa mga naunang showbiz talk show sa Pilipinas, kung hindi man ang pinakauna.

Ngunit ang programang “Eye to Eye” ang tunay na nagpasikat kay Inday Badiday bilang isang pop culture figure. Tumagal sa ere ang “Eye to Eye” nang walong taon, at gabi-gabi niya itong tinatapos sa pagbating “Sarang Habida Bo.” Ang “Sarang Habida” ay nangangahulugang “I love you” sa wikang Koreano, habang ang “Bo” ay sinasabing palayaw ng kanyang ikalawang asawa.

Noong 2002, naging host din siya ng talk show na “Inday, Heart to Heart,” na ipinalabas din sa GMA Network.

“Queen of Intrigues”

Sa kasagsagan ng kaniyang mga showbiz talk show, nakilala si Inday Badiday bilang “Queen of Intrigues” dahil sa lawak ng kaniyang kaalaman tungkol sa entertainment industry. Tinatawag din siyang “Ate Luds” ng mga taong malalapit sa kanya.

Actress and producer

Bukod sa pagiging host at journalist, naging film producer din si Inday Badiday. Kabilang sa mga pelikulang may kredito siya bilang producer ang “Lab Kita, Bilib Ka Ba?” noong 1994.

Lumabas din siya sa mga pelikulang gaya ng The Young at Heart at Juan & Ted: Wanted.

Pumanaw sa edad na 59

Pumanaw si Inday Badiday noong Setyembre 26, 2003 dahil sa multiple organ failure na dulot ng dalawang stroke. Siya ay 59-taong-gulang.

Lola ni I.C. Mendoza

Isa sa mga apo ni Inday Badiday ang dating child star na content creator na ngayon na si I.C. Mendoza, na anak ni Dolly Anne Carvajal, na isang entertainment journalist, gaya ng kaniyang ina na si Inday Badiday.

Matapos lumabas ang balitang nabanggit ni Zubiri si Inday Badiday sa Senado, ipinagtanggol ni I.C. ang pamana ng kanyang lola at sinabing “it just felt off seeing her memory associated with fake news peddlers.”

Gayunpaman, tinanggap ni I.C. ang paghingi ng paumanhin ni Zubiri at sinabing “all good” habang pinasalamatan ang senador at hinikayat ito na “keep fighting the good fight.”

— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News