Nakapagtala ng bagong personal record-low na -15 ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa buwan ng Marso 2026, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ipinakita sa naturang survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026 na 33% ng mga adult Filipino ang nasisiyahan sa trabaho ni Marcos. Pero mas marami ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa ginagawa ng pangulo na 49%, at 18% ang hindi makapagpasya.

Sa survey noong Nobyembre 2025, 40% ng mga respondent ang nagsabing nasisiyahan sila sa pagganap ni Marcos, 43% ang hindi nasisiyahan, at 17% ang undecided.

Ayon sa SWS, ang resulta nitong net satisfaction rating ay -15 (satisfied minus dissatisfied), ay ikinokonsiderang “poor.” Mas mababa ito ng12 puntos kumpara sa “neutral” na -3 noong Nobyembre 2025.

Ayon sa SWS, ito na ang bagong pinakamababang personal record ni Marcos, na lumampas pa sa dati niyang “poor” rating na -12 noong Marso 2025.

Bumaba rin ang net satisfaction rating ni Marcos sa lahat ng bahagi ng bansa at maging sa rural at urban areas.

Batay sa survey, pinakamataas ang net satisfaction rating ni Marcos sa Balance Luzon na may “neutral” na +2, sinundan ng Visayas na may “poor” na -15, Metro Manila na may “bad” na -31, at Mindanao na may “bad” na -40 noong Marso 2026.

Kung ihahambing sa Nobyembre 2025, bumaba ang net satisfaction ni Marcos ng 11 puntos mula sa “moderate” na +13 sa Balance Luzon, 17 puntos mula sa “neutral” na +2 sa Visayas, 14 puntos mula sa “poor” na -17 sa Metro Manila, at 11 puntos mula sa “poor” na -29 sa Mindanao.

Sa mga rural area, bumaba ang net satisfaction rating ni Marcos mula “neutral” na +9 tungo sa “neutral” na -9. Samantala, sa urban areas, bumaba rin ito mula “poor” na -14 tungo sa “poor” na -20.

Ayon pa sa SWS, bumaba rin ang net satisfaction rating ng Pangulo sa parehong kababaihan at kalalakihan, sa mga edad 25 hanggang 34 at 45 hanggang 54, at sa lahat ng antas ng edukasyon.

Hindi umano kinomisyon ng anumang grupo ang naturang survey na nagsagawa ng face-to-face interviews sa 1,500 adult respondents: 600 mula sa Balance Luzon (Luzon maliban sa Metro Manila), at tig-300 naman mula sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

May sampling error margins itong ±3% para sa pambansang porsyento, ±4% para sa Balance Luzon, at ±6% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng Presidential Communications Office tungkol sa resulta ng survey. -- Vince Angelo Ferreras/FRJGMA News