Nasawi ang dalawang sakay ng isang habal-habal matapos silang mabangga at madaganan ng tumagilid na dump truck sa Tanjay, Negros Oriental.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya biglang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck at nabangga nito ang sinusundang mini dump truck.
Sa lakas ng pagkakabangga, napabilis ang takbo ng mini dump truck at nahagip ang nakasalubong na habal-habal.
Bukod sa nasawing dalawang biktima, sugatan din ang siyam na sakay ng truck.
Ayon sa ulat, sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Tanjay na may-ari ng dalawang truck, na nagsisilbi ring service vehicle ng kanilang mga kawani.
Isinailalim naman sa kustodiya ng pulisya ang mga driver ng mga truck. – FRJ GMA News
