Binaril at napatay ng salaring nakamotorsiklo ang isang negosyante habang nagwawalis sa labas ng kaniyang gusali sa Malasiqui, Pangasinan. Sa Ilocos Sur naman, isang konsehal ang kritikal matapos ding pagbabarilin.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nasawi habang ginagamot sa ospital si Edmund Mendoza, 65-anyos, dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at braso.

Base sa umbestigasyon, nagwawalis sa harap ng kanyang gusali ang biktima nang barilin ng malapitan ng salaring nakamotorsiklo sa barangay Poblacion sa bayan ng Malasiqui.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang sa biktima na nirerespeto umano sa kanilang lugar.

"Highly respected na personality dito sa munisipyo natin being a member of the Rotary Club. Tapos mayroon pang kapatid si Edmund na mga pari," ayon kay P/Supt Roland Lee Sacyat, hepe ng Malasiqui Police.

Samantala, malubhang nasugatan naman dahil sa pamamaril ang konsehal na si Mariano Impelido Jr., matapos siyang pagbabarilin sa barangay Jordan sa Sinait, Ilocos Sur.

Pauwi na raw ang biktima sakay ng motorsiklo nang tambangan siya nitong Martes ng hapon ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa ibaba ng tainga, dibdib at siko. -- FRJ, GMA News