Wala nang buhay nang matagpuan sa isang putikan ang isang dating beauty pageant contestant sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte nitong Miyerkules.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Kimberly Autida, 19-anyos at estudyante mula sa University of Southeastern Philippines, Davao City campus.
Naging kandidata raw si Autida sa Mutya ng Samal noong taong 2016.
Ayon kay Police Senior Superintendent Marcial Magistrado, hepe ng Davao del Norte police, lumalabas sa imbestigasyon na nagtamo ng malalakas na suntok sa puson ang biktima, dahilan para kaniyang ikamatay.
"Based sa medico legal, possible nirape tapos 'yung cause ng death niya sinuntok sa may puson, malakas 'yung pagkasuntok na nag-rupture 'yung internal organ niya 'yung liver particularly," sabi ni Magistrado.
"Internal bleeding parang nabasag 'yung atay ng bata. Kaya nung nag-autopsy kahapon, nakausap ko 'yung doctor pagbukas ng katawan Ma'am, doon naglabasan, nagkalapot-lapot 'yung dugo niya," dagdag pa ni Police Superintendent Noel Asumen, hepe ng pulisya ng isla ng Samal.
Patuloy na iniimbestigahan ang kaso upang matukoy kung talagang ginahasa ang biktima.
"Possible ni-rape kasi 'yung biktima kasi nung nadatnan namin nakahubad ma'am eh. We have requested the medico-legal team ma'am to determine kung may kuwan ba talaga, may rape ba talaga?" sabi pa ni Asuman.
Kaugnay nito, isa na ang naaresto ng mga awtoridad.
Ang suspek na si Elvin Juna, 20-anyos, ay kasalukuyang nakakulong sa Samal police station.
"So far, meron po tayong isa na nakitaan natin na probable cause. One of the three medyo nakita natin may probable cause, meaning to say probably siya nga talaga ang nag-commit ng crime based sa mga interview ng ating investigator," sabi ni Magistrado.
"'Yung person na po 'yon, nakakulong na siya ngayon, nakuha na natin ngayon probably we can file a case kung makakuha na tayo ng mga statement ng ibang witnesses probably makapag-file tayo ng case bukas," dagdag pa niya.
"May mga kalmot siya sa katawan, may mga kalmot na probably nagawa 'yun ng biktima based sa pagdefense sa kanya sa pagrape, mga kalmot-kalmot siya tapos meron ding nakuha tayo na clue na 'yung damit niya sa jacket, nakita prior sa crime scene na siya nagsusuot," ayon kay Magistrado.
Dalawang tao pa ang kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis kaugnay sa kaso. Ang isang nag-ngangalang Ricardo Sale ay pansamantala munang pinalaya.
"Si Ricardo Sale based sa interview natin lumalabas na wala pa tayong makitang probable cause na involved talaga siya, kaya temporarily pinarelease muna natin. Pero kasama pa rin siya sa persons of interest," sabi ni Magistrado.
Nakatakda namang magsampa ng kaso bukas ang otoridad laban kay Juna. —JST, GMA News
