Napatay ng mga pulis ang suspek sa pagpatay at panggagahasa sa 19-anyos na dating beauty pageant contestant sa Samal, Davao del Norte matapos umanong mang-agaw ng baril nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dakong 4:00 a.m. nang ilabas umano ng kulungan si Elvin Juna, 20-anyos, para dalhin sa ospital dahil inirereklamo ang pananakit ng tiyan.
Si Juna ang suspek sa paggahasa at pagpatay sa college student na si Kimberly Autida, na natagpuang walang buhay at nakatali ang mga kamay noong nakaraang linggo.
Ayon sa mga pulis, nang malapit na sa ospital, natanggal umano ni Juna ang isa niyang posas at doon na nang-agaw ng baril kaya pinaputukan siya ng isa pang pulis na kasama sa mobile.
Nagawa raw ni Juna na makalas ang posas sa pamamagitan ng pagsungkit dito gamit ang alambre.
Binawian ng buhay si Juna dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ang ama ni Juna, tanggap na raw ang sinapit ng kaniyang anak dahil inamin daw nito ang nangyaring krimen kay Autida.
Naaresto si Juna matapos na makita ang isang jacket malapit sa pinangyarihan ng krimen na pag-aari umano nito.
BASAHIN: Suspek sa pagpatay sa 19-anyos na Samal beauty contestant, umamin umano sa krimen
Itinanggi noong una ni Juna na may kinalaman siya sa krimen pero inamin din niya kinalaunan.
Bagaman itinuturing na ng pulisya na sarado na ang kaso ni Autida, iimbestigahan pa rin ng Internal Affairs ng pulisya ang dalawang escort na pulis ni Juna. -- FRJ, GMA News
