Dalawang bangkay ng lalaki ang nakitang itinapon sa gilid ng kalsada sa Naic, Cavite. Ang isang biktima, hinati sa tatlo ang katawan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina German Rey Sr., 49-anyos, at Myron Gil Dualan, 27-anyos, kapwa residente ng Naic.

Nakita ang lumulobo nang bangkay ni Dualan at ang hinati-hating katawan ni Rey sa kalsadang sakop ng Ciudad Nuevo Subdivision" sa Barangay Sabang sa Naic.

Ang mga dumadaan sa lugar ang nakakita sa dalawang biktima noong Sabado ng madaling araw.

Dahil halos wala pang masyadong nakatira sa lugar at madilim sa daanan, hindi umano magiging madali ang pagtukoy ng mga awtoridad sa mga salarin.

Pinaniniwalaang itinapon lang sa lugar ang mga bangkay.

Ayon sa pulisya, madalas daw makitang magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa.

Wala sa drug watchlist ang mga biktima pero may kinakaharap na arrest warrant si Rey sa kasong robbery.

Hindi nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Rey, habang naniniwala naman ang pamilya ni Dualan na nadamay lang ito. -- FRJ, GMA News