Ilang kabataan ang nakunan ng video habang pinaglalaruan ang isang makamandag na cobra na kanilang nahuli sa Lake Sebu sa South Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing isang concerned citizen ang nakakita sa mga kabataan na nakahuli sa cobra at pinaglaruan na parang karaniwang hayop.

Makikita sa video na mayroon ding mga bata na nakapalibot sa cobra at nag-uunahan sa paghawak sa ahas.

May isang binata rin na pilit pang ginagalit ang cobra para tumayo.

Sinaway umano ng kumuha ng video ang mga kabataan pero hindi siya pinansin.

Mapanganib na paglaruan ang cobra dahil sa makamandag ang naturang uri ng ahas na posibleng makamatay. -- FRJ, GMA News