Isang guro ang inireklamo dahil sa ginawa umanong pagkurot sa likod ng kaniyang grade 3 pupil na nagdulot ng sugat sa Tacurong City sa Sultan Kudarat.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, mismong ang lola ng batang mag-aaral ang nagreklamo laban sa ginawang pananakit umano ng guro sa kaniyang apo.
Paliwanag umano ng guro, hindi sinunod ng estudyante ang kaniyang utos.
Nang magharap ang dalawang panig sa ipinatawag na pulong, pinatawad umano ng lola ang guro sa ginawa nito. Pero hiniling niya sa City School Division Superintendent na ilipat ang guro sa ibang paaralan dahil na-trauma raw ang bata sa nangyari.
Pinagbigyan naman ng Division Superintendent ang hiling ng lola, habang hindi na nagbigay ng pahayag ang guro. -- FRJ, GMA News
