Ginahasa ng apat na holdaper ang dalawang estudyante na hoholdapin sana nila sa Tagum City noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ng Tagum Police na wala umanong makuhang pera ang mga holdaper, kaya ginahasa nila ang mga biktima.

Kinilala ang mga hodaper na sina Aron Cabling, 29; Emerson Tormis, 25, at dalawang menor de edad (14 at 16), na pawang mga miyembro ng isang gang sa lungsod.

Sa paunang imbestigasyon, galing ang dalawang estudyante sa Tagum City Hall upang pasyalan ang higanteng Holiday Tree, at pauwi na sana sila nang tambangan ng mga suspek at sapilitang dinala sa may kakahuyan malapit lamang sa city hall compound.

Doon na umano halinhinang ginahasa ang dalawa nang wala silang maibigay na pera sa mga suspek.

Ayon sa mga tauhan ng Security Management Office ng city hall, nagsumbong ang dalawa at naghingi ng tulong. Agad namang natukoy ang mga salarin.

Pahayag ni Senior Inspector Anjanette Tirador, spokesperson ng Tagum Police Office, "Ang primary purpose ay mangholdap pero nang walang makuhang pera ang mga suspek, they resorted to sexual abuse sa mga biktima."

Hinihintay na lamang umano ng mga pulis na mailabas ang arrest warrant laban sa sa mga suspek upang mahuli na sila.

Samantala, nagpadala sa police station ang suspek na si Cabaling ng isang pahayag at itinangging sangkot siya sa krimen.

Isinailalim na sa counseling ang mga biktima, ayon sa mga awtoridad.  —LBG, GMA News