Sumuko na nitong Huwebes ng umaga ang suspek sa pagpaslang sa isang mag-ina sa General Trias sa lalawigan ng Cavite noong December 8.
Sa inisyal na ulat ng mga pulis, sumuko si Ruel Cabatingan, 36, isang overseas Filipino worker, sa Eastern Samar Provincial Police office dakong 7:30 ng umaga nitong ika-28 ng Disyembre.
Si Cabatingan ay residente ng Imus, Cavite, at nagpunta sa Eastern Samar matapos ang krimen at doon na siya sumuko.
Inamin ni Cabatingan ang pagpaslang kina Ruby Gamos at anak nitong si Shaniah Nicole, ayon sa mga awtoridad.
Suspetsa ng mga pulis, pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen dahil ilang mga gamit --mga alahas at cellphone --ang nawawala sa bahay ng mga biktima.
Wala rin umanong palatandaan ng puwersahang pagpasok sa bahay, kaya umano nagduda ang mga kamag-anak ng mga biktima na kakilala ang salarin.
Pahayag ni Marlon Gamos, asawa ni Ruby at kauuwi lamang mula sa the United Arab Emirates, huli niyang nakausap ang kaniyang asawa noong December 7.
Nauna nang ipinahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang kaso. —may kasamang ulat nina Peewee Bacuño at Ronnie Roa/LBG, GMA News
