Nakunan sa CCTV camera ang panghoholdap at pagkuha ng dalawang lalaki sa cellphone ng isang babae sa harap lamang ng kaniyang tinutuluyang dormitoryo sa Davao City.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "24 Oras" nitong Martes, makikita ang biktima na lumabas ng dormitoryo sa Chavez St. sa nabanggit na lungsod para magpa-cellphone load sa isang convenience store.

Ilang minuto lang, bumalik na ang babae pero hindi muna siya pumasok sa dormitoryo at tila may kausap sa cellphone.

Hindi nagtagal, dalawang lalaki ang sumulpot at tinutukan ng patalim ang biktima at kinuha ang kaniyang cellphone bago tumakas.

Hinabol naman ng biktima ang mga suspek at tinulungan siya ng mga tao kaya nadakip ang magpinsang suspek na sina Rey Recana at Aaron Recana.

Ayon sa katiwala ng dormitoryo, sinabi ng biktima na hindi muna siya kaagad pumasok sa dormitoryo dahil napinsin na niya na may sumusunod sa kaniya.

Nangamba umano umano ang biktima na baka madamay ang ibang tao sa dormitoryo kaya nagkunwari siyang may kausap sa cellphone.

Dahil naman sa nangyari, plano ng pamunuan ng dormitoryo na ipaayos ang pasilidad at palitan ang gate at mga doorknob sa kuwarto para sa seguridad ng mga tumutuloy doon.-- FRJ, GMA News