Isang dalagita ang nawala umano sa sarili dahil sa paulit-ulit na panghahalay ng kaniyang lolo at tiyuhin sa Nabua, Camarines Sur. Dalawa pa nilang kamag-anak ang dinakip dahil umano sa pagmamaltrato sa biktima.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, nasa listahan bilang most wanted ng pulisya ang 74-anyos na lolo, habang no.2 naman ang tiyuhin na suspek.

Inaresto rin ang pangalawang asawa ng lolo na number 3 most wanted, at ang isa pa nilang kamag-anak na babae.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing June 2017 nang maganap ang panghahalay sa 14-anyos na biktima.

Nasiraan umano ng bait ang biktima dahil sa nangyari.

Sa mga larawan, makikita ang mga sugat sa paa at kamay ng biktima na bakas ng pagkakagapos.

Ang pangalawang asawa umano ng lolo ang nagtatali sa biktima.

Nahaharap sa seven counts ng rape ang lolo at tiyuhin ng dalagita, at reklamong child abuse naman sa dalawang babaeng kaanak.

Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang mga paratang laban sa kanila.

Hinala ng lolo, galit lang sa kaniya ang una niyang asawa na lola ng biktima dahil sa maghihiwalay nila.

"Hindi ako naggagahasa po. Hindi ko po 'yan kaya gawin. apo ko po 'yan.  'Yung lola niya, may galit sa akin 'yon dahil nagsama kami nu'n, nagkahiwalay kami," paliwanag ng lola.

Paliwanag naman ng tiyuhin, "Hindi ko po alam 'yan binibintang nila dahil, kasi parang nawala sa sarili [yung biktima]."

Sinabi naman ng isang kaanak na malayo ang bahay niya sa biktima kaya hindi niya alam kung bakit siya nadamay. -- FRJ, GMA News