Napugutan ng ulo at nagkalasog-lasog ang katawan ng isang 18-anyos na babae nang magulungan siya ng truck sa Sibulan, Negros Oriental.
Sa ulat ni Tricia Zafra sa 24 Oras nitong Linggo, kinilala ang biktima na si Rosela Omaguing.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, kalalabas lamang diumano ng truck sa highway nang masagi ang sinasakyang motorsiklo ng dalaga. Nahulog siya at nagulungan ng truck.
Walang helmet na suot ang biktima at wala rin daw itong lisensya, dagdag pa ng ulat.
Agad na sumuko ang driver ng truck na si Alfonso Teves, subalit hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa kanya.
Nangako namang tumulong ang may-ari ng truck sa mga naiwang mahal sa buhay ni Omaguing.
Dalawa naman ang patay at dalawa rin ang sugatan sa Gumaca, Quezon matapos magbanggaan ang isang tricycle at pampasaherong bus.
Kwento ng driver ng tricycle, nakabig niya ang manibela kaya't napunta siya sa linya ng parating na bus.
Hawak na ng awtoridad ang driver ng bus at handa namang makipagtulungan ang may-ari nito sa mga kamag-anak ng biktima.
Sa Hinigaran, Negros Occidental, dalawang estudyante naman ang sugatan matapos mahulog sa isang sapa ang sinasakyan nilang tricycle.
Ayon sa isang saksi, "overloaded" diumano ang tricycle kaya nawalan ito ng balanse at dumiretso sa sapa.
Agad namang rumisponde ang mga residente sa mga nahulog na pasahero.
Samantala, sugatan naman ang nakamotorsiklong traffic enforcer sa Tondo, Manila matapos siyang mabangga ng truck.
Kinilala ang biktima na si Bryan Abenir.
Ayon sa truck driver na si Jomar Olor, napunta sa kanyang linya ang motorsiklo kaya nabangga niya ito.
"Dito siya sa first lane ako eh nasa third lane... bigla siyang pumasok sa linya ko eh," kwento ni Olor.
Agad namang isinugod si Abenir sa ospital. — Anna Felicia Bajo/BM, GMA News
