Nalapnos ang balat ng isang sanggol na babae nang aksidenteng mabuhusan ng bagong pakulong tubig sa loob ng kanilang bahay sa Pagadian City noong Linggo.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabi ng ina ng bata na nagpakulo siya ng tubig para sa titimplahing gatas ng anak.
Inilagay umano niya ang mainit na tubig sa baso at ipinatong sa upuan sa sala kung saan natutulog ang bata.
Saglit na umalis daw ang ina para kunin ang gatas sa kusina pero pagbalik niya ay natapon na sa bata ang mainit na tubig.
Nagtamo ng 3rd degree burn sa tiyan at dibdib ang sanggol na patuloy na nagpapagaling sa ospital.-- FRJ, GMA News
