Arestado ang anim na menor de edad matapos na akusahan na nagsalitan sa paghalay sa isang 18-anyos na babae na kanilang kainuman sa Mandaue City, Cebu. Ang krimen, nabisto raw mismo ng ate ng biktima na kasama rin sa inuman.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing apat sa mga suspek ang 16-anyos at dalawa ang 17-anyos, at pawang grade 11 student sa isang unibersidad sa lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakipag-inuman ang biktima at ang 21-anyos na ate niya sa mga menor de edad.

Nangyari ang inuman na nauwi umano sa panghahalay sa apartment na tinutuluyan ng mga suspek sa Barangay Looc.

Nang malasing umano ang biktima, iniakyat siya sa apartment at doon na raw ginawa ng mga suspek ang panghahalay.

Nadiskubre ng ate ng biktima ang krimen nang mapansin niya na nagpapalitan sa pag-akyat ang mga suspek.

"Napansin niya na nagsalitan sila papunta sa itaas at bumababa kaya pinuntahan niya sa itaas. Ang isa, naabutan niya roon. Doon na rin nagtapat ang kaniyang kapatid na ginalaw siya," ayon kay P/C Insp. Wilbert Parilla, hepe MCPO-Station 5.

Itinanggi naman ng mga suspek na ginahasa nila ang biktima pero may umamin na hinupuan lang niya.

Nakatakdang ipasuri sa ospital ang biktima habang sasampahan ng reklamo ang mga menor de edad na dadalhin din sa social welfare department. -- FRJ, GMA News