Nauwi sa pamamaril at pananaga na nagresulta sa pagkamatay ng isang Aeta at ikinasugat ng isa pa ang pamamato para maitaboy ang isang aso na nagtangka raw umatake sa grupo ng mga biktima sa Cabangan, Zambales.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang nasawing biktima na si Bobby Bulatao, habang nasugatan naman ang pinsan niyang si Dennis Melon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalakad para bumili ng sigarilyo ang magpinsang biktima kasama ang dalawa pang katutubo nang tahulan umano sila at tangkain kagatin ng isang aso.
Bilang depensa, pinagbabato ng grupo ang aso para maitaboy.
Pero nagising ang may-ari ng aso na si Julius dela Cruz at kinompronta ang grupo ni Bulatao.
"Dahil po sa pagbato ng aso, nagising, nagulat po itong si Julius dela Cruz at lumabas po ito para tingnan. Nagkaroon po sila ng argumento hanggang sa bumalik at kinuha niya ang kaniyang itak," sabi ni Sr. Insp. Domacena Cabangan, Acting Chief of Police, Cabangan Police.
Inundayan umano ng taga ni Dela Cruz si Bulatao, at kumuha pa ng baril ang suspek at pinaputukan ang grupo.
Napuruhan ng bala sa ulo si Bulatao na kaagad nitong ikinamatay, samantalang tinamaan sa tiyan si Melon, na nagpapagaling na tinamong sugat.
"Wala naman po kaming alitan sa kanila. Nagtaka ako kung bakit ganu'n na lang ang ginawa sa anak ko," sabi ni Agustina Bulatao, ina ng nasawing biktima.
Sumuko at nakakulong na sa Zambales Provincial Jail si dela Cruz, pero hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.
Hindi naman sang-ayon ang grupo ng mga katutubo sa kasong isinampa sa suspek na homicide sa halip umanong murder.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
