Isang ama at apat na bata ang minasaker ng isang nakadroga umanong habal-habal driver sa Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Sabado ng hapon.

Sa ulat sa Unang Balita, nakilala ang suspek na si Asgal Ontong, 34, residente ng Barangay Libucon, Sirawai.

Ang mga biktima ay sina Madjid Halis, 35; mga anak niyang sina Nasser at Hadimar, kapwa 7-anyos; mga pamangking sina Saidemar Wahid, 11 at Mohammad Said Mocaddam, 7.

Ayon sa ulat, pinasok ni Ontong ang bahay ng mga biktima sa naturang barangay at pinagtataga gamit ang isang itak.

Naaresto kaagad ng mga pulis si Ontong, ngunit nagawa nitong makapuslit mula sa presinto nang magpaalam na iihi.

Ilang oras matapos makatakas, natagpuaan ng mga pulis si Ontong na nagtatago sa isang bukid.

Nang-agaw umano ng baril ang suspek kaya napatay ng mga pulis. —ulat ni Aude Hampong/ALG, GMA News