Arestado ang siyam na umano'y mga miyembro ng isang "termite gang" sa aktong panloloob sa isang sanglaan sa Noveleta, Cavite nitong Sabado.

Sa ulat sa Balitanghali, sinabing bago maaresto ay nakapanloob na ang mga suspek sa isa pang sanglaan sa General Trias City.

Naaresto sila sa aktong panloloob sa BV Burgos Pawnshop sa Barangay Poblacion sa bayan ng Noveleta bandang alas-dos ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang mga arestadong suspek na sina Elvis Mangampti, George Banasan, Michael Canipas, Gilford Aligo, El-i Gacusan, Allen Gandones, Charles Benjamin, Kickson Ngaeb at Alejandro Dasing.

Ayon sa pulisya, ang ilan sa mga suspek ay dumayo pa galing Baguio City.

Ang modus umani ng mga suspek ay ang paghuhukay ng mga imburnal malapit sa mga sanglaan na kanilang papasukin.

Nasamsam sa kanila ang mga gamit sa paghuhukay, mga laptop at alahas na nakuha nila sa mga sanglaan.

Nasa kustodiya ngayon ng Noveleta Police Station ang mga suspek at hinahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanila. —Jamil Santos/ALG, GMA News