Patay ang isang overseas Filipino worker na kadarating lamang mula Saudi Arabia nang barilin sa harap ng kanyang bahay sa Lipa City, Batangas nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat sa Super Radyo dzBB, nakilala ang biktima na si Danilo Henson, 57, residente ng Barangay Pinagkawitan.

Naganap ang pamamaril bandang 8:20 ng gabi.

Kadarating lamang ni Henson mula sa airport nang barilin sa harap ng kanyang bahay.

Isinugod sa NL Villa Memorial Medical Center si Henson, ngunit idineklara rin siyang dead on arrival dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya ng Lipa City. —ulat ni Luisito Santos/ALG, GMA News