Isang lalaki ang bumagsak at di kalauna'y namatay habang nasa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Pila, Laguna nitong Biyernes.
Sa ulat ni Saleema Refran sa "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rubert Racal, 36-anyos.
Ayon sa ulat, matagal na naghintay ang biktima sa Sta. Cruz District Office para kumuha sana ng student permit.
Makikita sa video na hindi mapakali at tila nahihilo si Rubert habang nakaupo sa waiting area.
Maya-maya pa ay bumagsak na si Rubert. Inihiga siya at binigyan ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) ng isang nagpakilalang nurse.
Nang mapansing wala pa rin siyang pulso, itinakbo na siya sa Laguna Doctors Hospital.
Sabi ng kapatid ng biktima na si Alvin Racal, may sakit sa puso si Rubert at marahil ay hindi ito nakainom agad ng gamot dahil sa paghihintay sa LTO.
"May sakit po siya, umiinom po siya ng gamot kaso nalipasan po ng paginom dahil sa paghihintay doon. Sana kung mabago-bago man lang, pabilis-bilisan na lang po para wala nang mangyari na katulad po sa kapatid ko," sabi ni Alvin.
Labis naman ang hinagpis ng ina ng biktima sa sinapit ng anak.
"Iniwanan ko ng anak kong bunso... Parang hindi ko ma-ano na maiwanan ako," sabi ni Catalina Racal.
Sa incident report ng tanggapan ng LTO, nakasaad na karaniwa'y isa't kalahating oras lamang ang pagproseso sa aplikasyon para sa student permit.
Subalit noong araw na iyon, nagkaroon daw ng "extreme system slowdown."
Giit ng LTO, binigyan nila ng sapat na medical attention ang biktima at agad ding isinugod sa ospital. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
