Kasalukuyang pinaghahanap ang isang pulis na halos dalawang buwan nang nawawala mula nang sumabak sa pagsasanay sa Batangas para maging isang scout ranger.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, sinabing biglang naglaho at hindi na nagpakita pa si P01 Ralph Reginald Yolangco Camarillo, 25, tapos ng criminology at nakadestino sa Public Safety Company ng Cavite PNP.

Kakapasok lamang ni Camarillo noong nakalipas na buwan para sa tatlong buwang Scout Ranger Orientation Training sa Camp Razon sa Nasugbu, Batangas.

"'Walo po kami napili sa scout ranger doon sa Batangas'. Sabi ko naman, 'Ano kakayanin mo?' Sabi niya sa akin, 'Opo.' Kasi po kahit ano daw hirap kakayanin daw niya," sabi ni Melanie Camarillo, ina ng nawawalang pulis.

Ngunit dumating ang masamang balita sa pamilya ni Camarillo noong Mayo 9 na nawawala na ang pulis.

Noong araw na iyon, nasa map reading exercise raw si Camarillo ngunit nabigong makabalik sa training camp.

"Hindi po siya nakarating sa tamang oras, kaya noong nagbigay pa sila ng isang oras dahil baka late. Noong wala na, pinaghahanap nila kaso hindi na raw nila makita," sabi pa ng ina ni Camarillo.

"Nagkaroon ng search and rescue effort na ginawa ng ating kapulisan pati ng in-charge sa training in coordination with other concerned units pero tumagal hindi siya nakita," sabi ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, regional director ng Calabarzon PNP.

Tatlong anggulo ang tinitingnan ang ginagawang imbestigasyon ng binuong special investigation task group.

Blangko pa kung dinukot ng mga armadong grupo si PO1 Camarillo.

"Still, puzzle sa atin 'yun, kung 'yung pagkawala niya ay on his own, o kinuha siya. So far wala tayong information, na mayroong nagsasabi na hawak nila," sabi ni Eleazar.

Kinokonsidera naman na naaksidente ang pulis sa training.

"May posibilidad po na ganoon, pero kung siya'y nadisgrasya man, o kung ano man nangyari sa kaniya, makikita't makikita po 'yung katawan niya, sa dami ng naghahanap eh," sabi ni Danillo Camarillo, ama ng biktima. —Jamil Santos/NB, GMA News