Patay ang isang babaeng school principal matapos siyang mabangga ng SUV habang naglalakad sa Plaridel, Bulacan. 

Ang suspek, napag-alamang student permit lang pala ang lisensya.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Maria Stella Mendoza.

Makikita sa CCTV na nakadilaw, nakapayong noon at naglalakad sa Cagayan Valley Road si Mendoza, habang may paparating na SUV sa kaniyang likuran.

Paputol-putol ang video, ngunit sunod na nakitang nakasadsad na ang SUV malapit sa bangketa, at hindi na nakita si Mendoza sa video, na nasapul na pala ng kotse.

Nagtulong-tulong ang mga tao sa lugar para isakay sa jeep at isugod sa ospital si Mendoza. Idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa saksi na si Eulogio Olivarez JR., kinuha niya ang susi ng SUV para hindi makatakas ang driver.

"Bumaba 'yung driver at tinanong nu'ng driver kung ano 'yung masakit sa tao dahil gising naman 'yung tao. Kinuha ko dahil parang aalis eh, parang ganu'n 'yung tingin ko dahil kumambiyo po ng atras" sabi ni Olivarez.

Ngunit nawala pa ring parang bula ang driver na kinilalang si Fernando Angeles.

Sumuko ang suspek kalaunan sa tanggapan ng Plaridel Police at nalamang student permit lang ang kaniyang lisensiya.

Nahaharap si Angeles sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. —Jamil Santos/LBG, GMA News