Huli sa entrapment operation sa Davao City ang isang babae na nagbebenta umano sa mga dayuhan ng malalaswang video ng mga menor de edad. Pati ang kaniyang sariling anak na anim na taong gulang, biniktima  umano ng suspek.

Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing apat na menor de edad ang nasagip at inilagay sa pangangalaga ng social welfare and development.

Pati umano ang sariling anak ng suspek, kinukunan ng suspek ng malaswang video para ibenta sa kaniyang mga parokyanong dayuhan na nakokontak niya sa pamamagitan ng online chat..

Ayon sa mga awtoridad, iniaalok umano ng suspek ang mga malalaswang video sa halagang P2,000 hanggang P4,000.

Minsan na rin umanong nakapagbenta ng menor de edad ang biktima sa halagang P15,000 pero hindi ipinaliwanag sa ulat sa kung papaanong paraan.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

Aniya, noon ay nagpapadala siya ng kaniyang larawan sa dayuhan pero wala umano siyang ginawang video ng mga menor de edad.

Mahaharap siya sa patung-patong na kaso ang suspek tulad ng paglabag sa anti-trafficking law, cybercrime prevention act, anti-child pornography, special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga magulang na laging subaybayan ang mga anak na mahilig gumamit ng internet upang hindi mabiktima ng mga mapagsamantala.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News