Napatay ng mga rumesponding pulis ang isang armadong lalaki na nangtangka umanong makapasok sa Archbishop's Palace sa Cebu City nitong Martes.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Cebu City Police Office director Senior Superintendent Royina Garma, na natukoy na nila ang pagkakakilanlan sa lalaki pero hindi muna nila ito isasapubliko dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
"Kasi itong area na 'to may chapel din kasi sa loob, anyone can come in yung mga parokyano...May nakakita na armadao kaya tumawag na ng assistance ng pulis," ayon kay Cebu City Police Station 2 Chief Inspector Maria Teresa Macatangay sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB.
"So nagresponde yung pulis natin nung nakita ng ating mobile patrol group, bumunot ito ng baril saka ayun na...naunahan na siya ng mga pulis," dagdag ng opisyal.
Bago napatay ang suspek, hinahanap umano nito si Cebu Archbishop Jose Palma.
"Allegedly according sa witness natin, hinahanap si Bishop so it is unusual so tumawag sila ng pulis at pagdating ng pulis, 'yon nagkaroon ng engkuwentro," sabi ni Garma.
Sinabi naman ni Monsignor Joseph Tan, Cebu archdiocese spokesperson, nasa Maynila si Palma dahil dumalo sa CBCP biennial conference.
"Archbishop Palma was not at the compound at the time of the incident. Cebu Auxiliary Bishop Dennis Villarojo was at the office," ayon kay Tan, na sinabing nangyari ang insidente malapit sa St. Joseph Chapel. — FRJ, GMA News
