Dalawa ang patay at tatlong iba pa ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa lalawigan ng Quezon.
Nangyari ang insidente bago mag-alas-dos ng madaling araw nitong Huwebes sa New Diversion Road sa Barangay Sta. Catalina sa bayan ng Atimonan.
Sangkot sa karambola ang dalawang delivery vans at isang kotse, lahat sa kanila ay patungong Bicol.
Nawalan umano ng preno ang isang delivery van kung kayat sumalpok muna ito sa likod ng isa pang delivery van bago ito sumalpok sa isang puno. Tumagilid ang delivery van na nasalpok ng nauna at isang kotse rin ang nadamay.
Dead on the spot ang dalawang pahinante ng delivery van na nawalan ng preno. Tumagal ng tatlong oras ang ginawang pag-rescue sa sugatang driver at sa dalawang pahinante dahil naipit ang mga ito sa bakal.
Nakunan ng GMA News ang ginawang rescue at retrieval operation.
Wasak na wasak ang unahan at katawan ng delivery van na nawalan ng preno.
Sugatan rin ang driver at pahinante ng nasalpok at tumagilid na van habang wala namang nasugatan sa mga sakay ng kotse.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente.
Dalawang poste ng kuryente rin ang nadamay matapos itong masalpok, at humarang ang mga kable nito sa highway.
Kasalukuyan ngayong ginagamot sa Doña Martha Hospital sa bayan ng Atimonan ang mga sugatan.
Noong nakaraang araw ng Linggo, dalawa rin ang namatay habang 14 ang sugatan sa karamboda ng sasakyan sa bayan din ng Atimonan. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News
