Patay sa pamamaril ang isang barangay captain sa Cagayan de Oro City noong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni GMA News stringer Michael Tolang, kinilala ang biktima na si Captain Alfredo Zapanta, 53, na pinagbabaril malapit sa kaniyang bahay sa Purok 7, Barangay Danao, Jasaan, Misamis Oriental, pasado alas-singko ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Jasaan Police, magpapakain sana ng baboy ang biktima nang bigla itong nilapitan at pagbabarilin ng isang lalaki na nakasoot ng bonnet, naka-sumbrero, at naka-itim na jacket.
Agad umanong tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo at sa kaniyang katawan. Isinugod siya sa ospital pero hindi na siya umabot na buhay.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng caliber .45 na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng krimen, pahayag ni Chief Inspector Rogelio Labor, hepe ng Jasaan Police.
Isang tinitingnan na anggulo at motibo ng krimen ay politika. —LBG, GMA News
