Nadakip na ng mga awtoridad ang pangalawang suspek sa brutal na pagpatay sa isang ina at kaniyang isang-taong-gulang na anak sa loob ng kanilang bahay sa Laguna noong Marso 2016. Ang suspek, itinuro ang padre de pamilya ng mga biktima na utak umano sa krimen.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita na pumapalag pa ang suspek na si Brian Avestado nang isinilbi ng San Pedro police ang warrant of arrest laban sa kaniyang sa General Mariano Alvarez, Cavite.

READ: Mag-ina sa Sta. Rosa, Laguna, sadyang ipinapatay daw ng 'mastermind' sa krimen

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas nang paslangin si Pearl Helene Sta. Ana, 29, at ang kaniyang anak na si Denzel sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Rosa, Laguna.

Pinatay ang mag-ina sa pamamagitan ng pagpukpok ng martilyo.

Ayon sa San Pedro police, nahirapan sila sa madakip ang suspek dahil palipat-lipat ito ng lugar na pinagtataguan.

"Paglabas ng bahay, naka-face mask na po siya maghapon. Kaya medyo nahirapan po talaga kami sa paghanap po sa kanya at nagpalipat-lipat po siya ng mga inuuwian niya sa Cavite province from Indang, Alfonso, Dasmariñas and lately po...sa GMA Cavite," ayon kay Police Superintendent Giovanni Martinez, hepe ng San Pedro Police.

Unang sumuko sa pulisya noong 2016 ang kasabwat ni Avestado sa krimen na si Ramoncito Gallo.

Inamin ni Avestado na nagpakilala sila sa biktima na mga internet repairman na mag-aayos ng linya gamit ang pekeng ID at dokumento.

Hindi rin itinanggi ni Avestado na siya ang unang pumukpok sa babaeng biktima na iginapos, dinala sa banyo at sinakal.

Gaya ni Gallo, itinuro rin ni Avestado ang mister ng biktima na utak umano sa krimen.

"Mayroon po siyang binigay sa amin na cellphone na gamitin daw po namin na pang-video... 'Yung gagawin namin sa mag-ina," sabi ni Avestado.

Sa kabila nang unang pag-amin ni Gallo tungkol sa mister ng biktima na utak sa krimen, nakalusot pa rin ito sa kaso matapos katigan ng korte na walang ebidensiya na mag-uugnay sa kaniya sa pagpatay sa kaniyang mag-ina.

Sa pag-amin ni Avestado, umaasa ang pulisya at mga kaanak ng mga biktima na muling mabubuksan ang kaso at ang paghahanap sa utak sa krimen.

"Pag umusad na 'to, pag makuha talaga natin ang mastermind. Masyadong brutal 'yung ginawa sa kanila," sabi ni James Bon, kapatid ng biktima.

Idiniin naman ni PPO provincial director Police Senior Superintendent Kirby John Kraft: "Dito sa atin sa Laguna, basta gumawa ka ng krimen, lalo na po itong karumal dumal na klase ng krimen, ay hahabulin namin." -- FRJ, GMA News