Muling sasampahan ng reklamo ang padre de pamilya ng mag-ina na pinatay gamit ang martilyo noong 2016 sa Laguna, matapos siyang iturong muli na mastermind ng ikalawang suspek na naaresto.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles,
sinabing sasampahang muli ng kaso sa ikalawang pagkakataon si Richard Sta. Ana dahil siya umano ang utak sa pagpatay sa asawa niyang si Pearl at 1-anyos na anak na si Denzel.

READ: 1 pang suspek sa pagpatay sa mag-ina na minartilyo sa Laguna noong 2016, nadakip na

Sinabi ni Calabarzon PNP Regional Director Police Chief Supt. Edward Carranza, na sa ebidensiya ibabase ang bagong reklamo laban kay Sta. Ana matapos madakip ang ikalawang suspek na si Brian Avestado sa bisa ng warrant of arrest sa Cavite.

Noong 2016, sumuko ang unang suspek na si Ramoncito Galo at unang itinuro si Sta. Ana na nag-utos sa kanila na pasukin ang kanilang bahay at patayin ang kaniyang asawa.

Si Sta. Ana rin umano ang nag-abot sa kanila ng pekeng ID at job order para makapasok sa loob ng bahay at gawin kunwari ang nasirang WiFi.

Itinali, dinala sa CR, at pinagpapalo ng martilyo ang ina, at isinunod ang isang-taong-gulang na bata.

Sakabila ng pahayag ni Galo, pinawalang-sala ng korte si Sta. Ana dahil sa kawalan ng ebidensiya kaya nakalusot siya sa kaso.

Iginiit ng PNP na sangkot sa krimen si Galo dahil nagtugma ang fingerprints nito sa mga fingerprints na na-recover sa bahay ng mga biktima.

Sinabi ni Police Senior Supt. Kirby John Kraft, Provincial Director ng Laguna PPO, na nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Immigration para malaman kung nasa Pilipinas o nakalabas na ng bansa ang padre de pamilya ng mga biktima.

Nanawagan ang ina ni Pearl na si Helen Bon na sumuko na ang kaniyang manugang para harapin ang kaso.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News