Patay ang isa umanong notoryus na drug pusher sa engkuwentro laban sa mga awtoridad sa lalawigan ng Rizal maaga nitong Biyernes.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa "Dobol B sa News TV," sinabing nangyari ang engkuwentro dakong 5:20 ng umaga sa bayan ng Taytay.  

Kinilala ng Taytay police ang napatay na suspek na si Von Mabanglo, na umanoy sangkot din sa mga kaso ng robbery, holdup, at isa rin umanong gun-for-hire. Nakapatay na rin umano ito ng pulis.

Ayon sa ulat, bitbit ang isang search warrant, pinuntahan ng mga pulis ang lugar ng suspek, ngunit agad umanong nagpaputok ito at gumanti ang mga pulis hanggang sa mapatay ang target.

Ilang mga kasamahan ng napatay na suspek ang nakatakas, ayon sa mga pulis. —LBG, GMA News