Sa kagustuhang malaman ang reaksyon ng publiko kapag nagkaroon ng bomb threat, nagsagawa ng sorpresang bomb drill ang mga awtoridad sa isang palengke sa Cagayan de Oro. Pero ang ilang nagtitinda at namimili, nainis.

Sa ulat ni R-Gil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nabigla ang mga negosyante at mga namimili sa Cogon Market sa nabanggit na lungsod nang biglang palibutan ng mga awtoridad ang isang kalsada, at naglagay ng kordon dahil kunwaring may nakitang bomba.

Kaagad na pinalayo ng mga pulis ang mga tao at nag-ikot ang mga bomb sniffing dog sa lugar. Nang makumpirma kunwari na may improvised explosive device, kaagad itong pinasabog.

May senaryo rin na kunwaring may mga nasugatan sa insidente.

Masaya naman ang pamunuan ng pulisya sa resulta ng pagsasanay dahil nakita raw ang kahandaan ng mga awtoridad sa pagresponde sakaling may pampasabog sa lugar.

Gayunman, aminado si Police Superintendent Madry Hostillosa II, spokesperson ng CDO Police Office, na nagkaproblema sila sa pag-control sa mga sibilyan at kailangan itong paghusayin pa.

Ang ilang negosyante, hindi nagustuhan ang sorpresang pagsasanay dahil natakot umano ang ilang namimili.

"Hindi ako nasiyahan sa ginawa nila kasi nag-panic ang mga tao, nagtakbuhan ang iba. Ang iba naman nagsara ng mga tindahan nila," ayon kay Dodong Trakling, negosyante.

Mayroon din naman na hindi minasama ang ginawang pagsasanay.

Paliwanag ng pulisya, sinadya talaga nilang gawing surpresa ang pagsasanay para alam din nila kung handa ba ang mga tao sakaling may mangyaring bomb threat.

Posible pa raw silang magsagawa ng iba pang sorpresang pagsasanay sa mga matataong lugar.-- FRJ, GMA News